(Hand, Foot and Mouth Disease - Tagalog version)
Ang Hand, Foot and Mouth Disease
Mikrobyong Sanhi ng Sakit
Ang Hand, foot and mouth disease (HFMD) ay isang karaniwang sakit sa mga bata na dulot ng enteroviruses tulad ng coxsackieviruses at enterovirus 71 (EV71). Ang HFMD na sanhi ng EV71 ay lalong nakakabahala dahil sa mas malamang na kaugnayan nito sa malubhang komplikasyon (tulad ng viral meningitis, encephalitis at poliomyelitis-like na paralisis) at maging kamatayan. Ang karaniwang panahon para sa HFMD sa Hong Kong ay mula Mayo hanggang Hulyo at ang isang mas maikling panahon ay maaari ring mangyari mula Oktubre hanggang Disyembre.
Mga klinikal na katangian
Ang karamdaman ay kadalasang nalilimita at nawawala sa loob ng 7-10 araw. Ito ay karaniwang nagsisimula sa lagnat, mahinang gana sa pagkain, pagkapagod at namamagang lalamunan. Isa hanggang dalawang araw pagkatapos ng lagnat, ang masasakit na mga singaw ay maaaring mabuo sa bibig. Nagsisimula sila bilang maliliit na pulang mga batik na may mga paltos at kadalasan ay nagiging mga sugat. Sila ay karaniwang lumilitaw sa dila, gilagid at sa loob na bahagi ng mga pisngi. Maaaring mayroong pantal na balat na hindi makati at kung minsan ay sinamahan ng mga paltos. Ang pantal ay kadalasang lumilitaw sa mga palad ng mga kamay at talampakan ng mga paa at maaaring lumitaw din sa puwit at / o ari. Ang isang taong may HFMD ay maaaring hindi magkaroon ng mga sintomas, o maaari lamang magkaroon ng mga pantal o mga singaw.
Ang HFMD ay magreresulta sa immunidad sa (proteksyon laban sa) ispesipikong virus na nagdulot ng impeksiyon. Gayunpaman, ang susunod na mga impeksiyon ng ibang virus ay maaaring magresulta sa karagdagang mga pangyayari ng HFMD.
Paraan kung paano Mahahawaan
Ang sakit ay karaniwang kumakalat sa pamamagitan ng paghawak sa ilong o mga likido ng lalamunan ng isang taong nahawahan, laway, likido mula sa pamamaltos o dumi, o pagkatapos hawakan ang mga kontaminadong bagay. Ang sakit ay pinaka nakakahawa sa unang linggo ng sakit at ang mga virus ay matatagpuan sa dumi ng tao pagkalipas ng mga linggo.
Yugto ng Inkubasyon
Ang yugto ng inkubasyon ay mga 3-7 araw.
Pamamahala
Walang partikular na paggagamot sa pamamagitan ng gamot para sa HFMD. Ang mga pasyente ay dapat uminom ng maraming tubig at magpahinga ng sapat, at maaaring makatanggap ng sintomatikong paggamot upang mabawasan ang lagnat at sakit mula sa mga singaw.
Ang mga bata na may sakit ay dapat manatiling iwasan muna ang paaralan o mga pagtitipon hanggang ang lahat ng pamamaltos ay tuyo upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Kung ang impeksiyon ay sanhi ng EV71, ang pasyente ay pinapayuhan na manatili sa bahay sa loob ng dalawang linggo pagkatapos gumaling mula sa sakit (hal. humupa ang lagnat at pantal, at ang pamamaltos ay tuyo at naglangib).
Ang mga magulang ay dapat na subaybayan ang kondisyon ng bata nang malapitan at kaagad na humingi ng medikal na payo kung mayroong hindi humuhupang mataas na lagnat, pagbaba ng pagkaalisto o paghina ng kabuuang kondisyon.